Monday, February 18, 2013
Magsaysay, Kamag-anak Inc.
Kahit anong sarap ng pagkain, nakakasuya rin lalu na kung paulit-ulit itong inihahain.
At hindi lang ito sa pagkain, angkop ito maging sa mga pulitiko.
Isang ehemplo nito ay si Ramon Magsaysay Jr., na mas kilala sa pangalang Jun.
Si Jun ay anak ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, na namatay sa airplane crash.
Si Jun Magsaysay ay nahalal bilang kinatawan sa Kongreso ng nag-iisang distrito ng Zambales noong 1965 o mahigit 48 taon na ang nakakaraan na ang ibig sabihin ay hindi pa ipinapanganak ang kasalukuyang henerasyon ay pulitiko na siya.
Noong 1992 ay kumandidato siya bilang bise presidente ni Miriam Defensor Santiago sa ilalim ng People’s Reform Party. Natalo si Jun at Miriam sa halalang kinakitaan ng pagpanik ni Sen. Joseph Estrada sa Malakanyang.
Tulad ng lahat ng political families sa bansa, political butterfly itong si Jun at pagkaraan tumakbo sa People’s Reform Party, ay lumahok siya sa halalan noong 1995 bilang senatorial candidate ng Lakas-Laban Coalition. Sa pagkakataong ito ay nagwagi siya.
Muli siyang tumakbo bilang senador noong 2001 at muling nagwagi at sa pagkakataong ito ay sa ilalim ng bandila ng Lakas-NUCD-UMDP na kadikit ng People Power Coalition.
Nang malagay sa alanganin si Gloria Macapagal-Arroyo, kumalas siya sa Lakas-NUCD-UMDP at lumipat sa Liberal Party na noon ay pinamumunuan ni Franklin Drilon.
Sa kasalukuyan ay hindi lang si Jun sa pamilya Magsaysay ang kumakandidato.
Kumakandidato rin bilang senador ang manugang ng kanyang kamag-anak na si Vicente Magsaysay. Ito ay walang iba kungdi si Mitos Habana-Magsaysay na kasal kay Jesus Vicente Magsaysay II.
Si Vicente Magsaysay ay gobernador ng Zambales mula noong 1968 hanggang 1986, na nangangahulugang operator siya ng nasirang diktador na si Ferdinand Marcos.
Katunayan, si Vicente ay kumandidato rin bilang senador sa ilalim ng Grand Alliance for Democracy, na kilala bilang isang partido na loyal sa mga Marcoses. Tumakbo rin siya bilang vice president at ka-tandem ang biyuda ni Ferdinand na si Imelda bilang pangulo noong 1992 sa ilalim ng Kilusang Bagong Lipunan.
Noong 1998 si Vicente ay nahalal bilang gobernador ng Zambales at na-reelect noong 2001 at 2004.
Tandaan natin na blood is thicker than water. Kaya’t ano man ang sabihin ni Jun Magsaysay Jr. na kontra siya sa political dynasty, na kilala rin bilang Kamag-anak, Inc., aayudahan niya ang kanyang mga kamag-anak, lalupat napakahalaga ng boto na magmumula sa Zambales.
Kaya’t sa Mayo, huwag tayong paloko, tuldukan sa kasaysayan ang political dynasty ng mga Magsaysay. Tandaan, walang saysay ang botong Magsaysay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
New comments are not allowed.